3 katao kabilang ang 2 bata patay sa sunog sa Olongapo

Contributed photo by:
Olongapo City Vice Mayor Jong Cortez

OLONGAPO CITY - Namatay ang tatlo katao kabilang ang dalawang bata sa nangyaring sunog sa magkahiwalay na lugar sa Olongapo City.
Ayon sa Philippine Red Cross-Olongapo City Chapter, nakatanggap sila ng tawag mula kay Jesusa Berosio, isang Red Cross volunteer, hinggil sa insidente ng sunog sa Abra St., Barangay Barretto kaninang umaga, Nobyembre 28.
Isang 10 taong gulang na batang lalaki na kinilalang si JM Aquino at isang 14-anyos na batang babae na si Yvette Bucad ang namatay mula sa sunog habang ang isang 20-anyos na lalaki naman ay nagtamo ng minor injury.
Samantala, isang tawag din ang natanggap nila mula sa isang netizen tungkol sa sunog sa isang residential area sa Fendler St., Barangay East Tapinac noong Miyerkoles, Nobyembre 27.
Inilahad ng PRC Olongapo na agad silang nagpadala ng mga ambulansya sa nasabing insidente at dito napag-alamang isang 27-anyos na lalaki naman ang namatay dahil sa sunog na kinilalang si Jonel Fernandez habang ang tatlong iba pang biktima ay nagtamo din ng pinsala.
Ayon naman kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr., ipinapaabot niya ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi at tulong sa mga ito.
Samantala, kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection hinggil sa pinagmulan ng magkasunod na sunog.

Comments