GOVERNOR DELTA PINEDA, NAG-ALOK NG 300-K PABUYA PARA SA SINUMANG MAKAKADAKIP SA KOREANONG UMISKAPO SA TARLAC

WANTED
Park Wang Yeol

PAMPANGA - Nag-alok ng halagang P300,000 na pabuya si Governor Dennis Delta Pineda para sa agarang ikadadakip ni Park Wang Yeol, Koreanong nakadetine sa Pampanga Provincial Jail sa kasong illegal possession of fire arms at pagpatay sa kanyang mga kapwa Koreano.
Naganap ang pag-eskapo ni Park matapos itakda ang muling pagbasa ng sakdal sa kanya sa Branch 64 ng Regional Trial Court ng Tarlac city sa kasong illegal possession of fire arms.
Batay kay Atty. Charlie Chua, provincial administrator ng Pampanga si Governor Pineda ay magbibigay ng pabuya sa ikadarakip ni Park, 41 anyos na nahaharap din sa kasong pagpatay sa Branch 47 ng Regional Trial Court ng Lungsod ng San Fernando.
Nag-alok si Governor Delta ng pabuya matapos bumisita si Lee Jinsoo, consul sa embassy ng Republic of Korea sa tanggapan ng Pampanga provincial administrator kaninang hapon na nakiusap sa agarang pagdakip kay Park at pagsasampa ng kaso sa mga jail guards na sangkot sa pagtakas ni Park.
Batay sa Police report, si Park at ang mga guardia ay kumain sa isang eatery sa Barangay San Rafael, Tarlac City matapos mareset ang pagbasa ng sakdal kay Park sa RTC Branch 64 ng Tarlac.
Sa loob ng karinderia, nagtungo ang limang prison guards sa lamesa at umorder ng pagkain habang dumiretso naman si Park sa comfort room.
Matapos ang ilang minuto, nadiskubre na ang prisoner na si Park ay tumakas sa pamamagitan ng bukas na bintana sa may comfort room.
Sa kautusan ni Governor Delta, ang Pampanga police ay kasalukuyan ng nakikipagtulungan sa mga kapulisan sa Tarlac upang hanapin ang kinaroroonan ni Park. 
Kaugnay nito, nag-utos na rin si Governor Delta na isailalim ang limang prison guards sa preventive suspension habang sila ay iniimbestigahan dahil sa pagtakas ni Park.
Kinilala ang prison guards na sina Prison Guard 1 (PG 1) Randy Sibug, PG1 Clarito Mendoza, PG1 Danilo Gonzales, PG1 Danigen Aragon and PG1 Carlo Layag na ngayon ay hindi muna pinalalabas sa PPJ habang sila ay iniimbestigahan sa pagtakas ni Park noong Mierkules.
Nakatakda namang sampahan ng kasong infidelity in the custody of prisoner ang mga naturang guardia.
Matatandaang si Park ay nadetine sa PPJ noon pang 2016 sa tatlong kaso ng pagpatay sa Bacolor.

Comments