Manila, Philippines – Kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pagpatay sa kolumnista ng Remate na si Jupiter Gonzales (Gonzales) at kasama nito kagabi sa Arayat, Pampanga bandang 10:30 ng gabi, Linggo.
Ayon sa spot report na isinumite ni Police Lieutenant Colonel Dale D Soliba, Chief of Police (COP) ng Arayat Municipal Police Station sa PTFoMS, napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na kasama ni Gonzales ang isang lalaking kinilalang si Christopher Tiongson lulan ng Nissan Almera na may plate number na AQA 8441.
Minamaneho umano ito ni Gonzales patungong Olongapo-Gapan sa Barangay Cacutud, Arayat, Pampanga nang tambangan sila ng hindi pa nakikilalang suspek bandang 10:30 ng gabi.
Dead on the spot si Tiongson habang isinugod si Gonzales sa Arayat District Hospital ngunit ayon kay Investigator On Case (IOC) Police Corporal Lawrence E Perez, idineklara rin itong Dead On Arrival sa ospital.
Sasamahan ni P/LTCol Eder Collantes at P/LTCol Rechie Duldulao (ret)makipag-ugnayan si USec Jose Joel Sy Egco, Executive Director ng PTFoMS, kolumnista rin ng Remate, sa pulis ng Arayat para sa mas mabilis na imbestigasyon.
Binabatikos ni Gonzales sa kanyang kolumn ang mga iligal na sugalan sa peryahan.
Hinala ng PTFoMS, may kaugnayan ang insidente sa usaping trabaho.
Sa ngayon ay pinapangunahan na ng Task Force (TF) ang pakikipagsanib-pwersa sa awtoridad habang binabantayan na ang ilan pang resulta ng imbestigasyon.
Samantala, sinabi naman ni National Press Club President Rolly Gonzalo na si Gonzales ay ikatlong NPC member nang pinapatay ngayong taon.
Pinuri naman ng NPC ang mabilis na pagresponde ng PTFoMS sa insidente kung saan tumulak ang kanilang grupo sa Arayat, Pampanga kaninang umaga.
Ayon sa NPC, hihintayin muna ang resulta ng ginagawang imbestigasyon ng pulisya bago maglabas ng kumento kaugnay rito.
Mariing kinokondena ng Remate News Central ang nangyaring pagpatay at sinisigurado ang walang patid na pagtutok sa kaso hanggang mapanagot ang nasa likod ng krimen.
Comments
Post a Comment