LALAKE PATAY, ISA SUGATAN SA TRUCK VS TRIKE


  Photo by: Mhike Cigaral

MARIVELES, Bataan - Patay on the spot ang isang 27 anyos na factory worker nang sumalpok sa isang oil tanker truck ang minamaneho nitong tricycle sa AFAB Road, Barangay Maligaya, Mariveles, Bataan nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa ulat mula sa Mariveles MPS, kinilala ang biktimang si Reneil Milanio, 27 anyos, nakatira sa Barangay Mt. View ng naturang bayan. Sugatan naman ang pasahero nitong si Edmund Ganigan, factory worker taga Barangay Balon Anito, Mariveles, Bataan.

Sa imbestigasyon ng PNP ay napag-alamang nawalan umano ng kontrol ang driver ng tricycle at napunta ito sa opposite lane.

Natyempo namang paparating ang  Auman oil tanker truck na minamaneho ni Gester Miradora, 27 anyos, at naganap ang head-on collision.

Sa lakas ng impact ay halos madurog ang tricycle at nagkalasog lasog ang mga biktima.

Kaagad na binawian ng buhay si Milanio habang nasa maselang kalagayan pa si Ganigan at kaagad na nadala ng rescue unit sa Maheseco Hospital subalit namatay din kinalaunan.(Mhike Cigaral)

Comments